Presyo ng produktong petrolyo, tataas ng halos P2.00 ngayong linggo

by Radyo La Verdad | May 21, 2018 (Monday) | 2561

Ngayon ang ikalawang linggo na mahigit piso ang itataas sa presyo ng langis.

Inanunsyo na ng mga oil company na mayroong bigtime price hike bukas. Halos dalawang piso ang itataas sa presyo ng gasolina, mahigit piso sa diesel at halos piso naman sa kerosene.

Simula Enero hanggang Mayo ngayong taon, mahigit walong piso na ang itinaas ng gasolina, diesel at kerosene, kasama na dito ang dagdag na excise tax dahil sa TRAIN law.

Ayon sa Department of Energy (DOE), ang dahilan ng pagtaas ay ang magulong sitwasyon sa mga oil producing countries gaya ng Iran at Venezuela, dahil dito bumaba ang suplay ng langis na siya namang nagpataas sa presyo nito.

Ayon sa DOE, isang daang porsyento ng langis na ginagamit sa mga sasakyan ay imported.

Bukod sa deregulated ang oil price, walang kontrol ang DOE dahil naka depende sa world market ang presyo ng produktong petrolyo.

Ang tanging magagawa ng DOE ay magbantay at siguraduhing walang umaabuso sa mga oil company.

Ngayong linggo ay nakatakdang magsagawa ng inspeksyon ang DOE sa mga gasoline station upang matiyak na walang nagsasamantala sa patuloy na pagtaas sa presyo ng langis.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,