Presyo ng produktong petrolyo, tataas muli ngayong linggo

by Radyo La Verdad | September 10, 2018 (Monday) | 4767

Sa ikalimang sunod na linggo ay muling tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon sa mga industry player, tinatayang nasa 60 hanggang 70 sentimos kada litro ang magiging dagdag singil sa diesel, gasoline at kerosene ngayong linggo.

Kung susumahin, mula Enero hanggang ngayong buwan, umabot na sa halos pitong piso ang itinaas sa presyo ng gasoline, mahigit anim na piso sa diesel at halos anim na piso sa kerosene.

Kung idadagdag ang ipinatupad na excise tax, mahigit siyam na piso na ang itinaas ng gasoline at diesel habang halos siyam na piso naman sa kerosene.

Ayon sa Department of Energy (DOE), ang dahilan pa rin ng oil price hike ngayong linggo ay ang sanction na ipinataw ng Estados Unidos sa bansang Iran.

Dahil dito, bumaba ang oil exports ng Iran na itinuturing na isa sa mga top oil producers sa buong mundo.

Bumaba rin ang demand ng petroleum products dahil sa trade dispute ng Estados Unidos at China at ang unti-unting pagbagsak ng imbentaryo ng US crude oil.

Sinigurado naman ng kagawaran na magbabantay sila upang maiwasan ang pang-aabuso sa presyo ng produktong petrolyo.

Regular din ang ginagawang inspeksyon ng DOE upang matiyak na sumusunod sa standard ng quality at quantity ang mga gasoline station.

Para sa mga sumbong at reklamo sa mga kalidad ng produktong petrolyo, maaring tumawag sa hotline number ng Oil Industry Management Bureau na 8402130.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,