Presyo ng produktong petrolyo, posibleng tumaas sa susunod na linggo

by Radyo La Verdad | July 27, 2018 (Friday) | 3035

Matapos ang malaking rollback sa produktong petrolyo, posibleng tumaas na naman ang presyo nito sa susunod na linggo.

Ayon sa Department of Energy (DOE), apektado ng geopolitical events ang presyuhan ng krudo sa world market.

Dagdag pa ng DOE na nagbanta ang bansang iran na isasara ang Straight of Hormuz kung saan dumadaan ang malalaking barko na nagdadala ng krudo sa ibang bansa, kabilang ang Pilipinas.

Naghihigpit ang Iran dahil sa sanction ng Estados Unidos sa kanila hinggil sa nuclear deal framework ng dalawang bansa.

Sa tala ng DOE, mula Enero hanggang ngayong Hulyo ay tumaas na ng mahigit walong piso ang presyo ng diesel, gasoline at kerosene dahil sa TRAIN law.

Kung wala ang TRAIN, nasa mahigit limang piso lamang ang kabuoang dagdag presyo ng produktong petrolyo simula noong Enero.

Samantala, tuloy ang tulong na ginagawa ng DOE upang mas mapataas pa ang bilang ng mga gasoline station na tatanggap ng Pantawid Pasada Card.

Sa ngayon nasa ay 1,100 na ang mga accredited gasoline station ang pwedeng puntahan ng mga fuel voucher beneficiary.

Sa ngayon, Shell, Caltex, Petron, Unioil at Total pa lamang ang tumutugon sa panawagan ng DOE.

Samantala, patuloy pang isinasapinal ng DOE ang ilalabas na circular hinggil sa unbundling sa presyo ng produktong petrolyo.

Sa pamamagitan nito, malalaman ng publiko kung paano itinatakda ng mga oil company ang presyo ng ibinibentang petrolyo sa mga gasoline station sa bansa.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,