Presyo ng produktong petrolyo, posibleng tumaas na sa mga susunod na linggo – DOE

by Radyo La Verdad | November 29, 2018 (Thursday) | 4814

Sa susunod na linggo ay magpupulong na ang mga bansang miyembro ng Organization of the Petroleum Exporting Countries  (OPEC).

Pag-usapan ng mga ito ang hakbang na gagawin sa nangyayaring over supply ng produktong petrolyo na naging maganda ang bunga para sa mga bansang umaangkat ng langis gaya ng Pilipinas.

Sa pitong magkakasunod na linggo ay patuloy ang pagbaba sa presyo ng produktong petrolyo sa Pilipinas dahil sa mataas na supply ng langis sa mundo.

Pero para sa mga OPEC members gaya ng Iran at ibang bansa sa Middle East, nangangahulugan ito ng posibleng pagkalugi. Nangangamba ang OPEC na baka hindi lahat magamit ang langis dahil sa dami ng produksyon ng mga oil producing countries.

Dahil dito, ayon sa Department of Energy (DOE) ay posibleng mahinto na ang sunod-sunod na oil price rollback.

Samantala, tiniyak naman ng DOE sa publiko na patuloy ang kanilang inspeksyon sa mga gasoline station na umano’y nagbebenta ng langis sa mas murang halaga kumpara sa iba, tulad sa ilang lugar sa Bulacan.

Ayon sa DOE, makakasisiguro ang publiko na pasado pa rin sa standard ng quality at quantity test ang mga ito, mababa lang ang presyo dahil sa kompetisyon.

Ayon sa DOE, ang industriya ng langis ay deregulated kung kayat may kalayaan ang mga kumpanya na magtakda ng presyo, batay sa idinidikta ng merkado.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,