Presyo ng produktong petrolyo, muling tumaas ngayong araw

by Radyo La Verdad | May 29, 2018 (Tuesday) | 8720

Tumaas na naman ang presyo ng produktong petrolyo ngayong araw. Halos piso ang itataas ng presyo ng gasoline, 35 centavos naman sa diesel at 45 sentimos naman sa kerosene.

Isa sa itinuturong dahilan ay ang mababang supply ng langis mula sa mga oil exporting countries gaya ng Iran at Venezeuela.

Ayon sa isang consumer group, karapatan ng publiko na malaman kung paano itinatakda ng mga oil company ang presyo ng produktong petrolyo kung kayat hinimok nito ang Department of Energy (DOE) na ilabas na ang circular sa unbundling na presyo ng langis.

Sa pamamagitan ng unbundling, mahihimay-himay ang lahat ng mga bagay na nakaka apekto sa presyo ng produktong petrolyo.

Makikita rin dito kung bakit may mga gasoline station na sobrang mahal magbenta habang may ilan naman na mas mababa ang presyo sa iba.

Batay sa circular, kailangang i-report sa DOE ng mga oil company at gasoline station ang breakdown ng kompyutasyon ng kanilang biniling langis.

Kabilang dito ang product cost, refining cost, import cost, hauler’s fee at taxes sa produktong petrolyo.

Nakapaloob rin sa circular na kailangang i-display ng mga gasoline station ang halaga ng itinaas o ibinaba ng gasolina sa isang linggong adjustment.

Nagtataka ang Laban Konsyumer group kung bakit may ilang gasoline station na kayang magbigay ng diskwento na mas mataas kaysa ibang gasolinahan.

Ayon sa DOE, tataasan ng Russia at Saudi Arabia ang kanilang oil production na inaasahang sasalba sa patuloy na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,