Sa ikapitong linggo ay muling bababa ang presyo ng produktong petrolyo.
Ayon sa mga industry player, magkakaroon ng P1.10 kada litro na bawas sa presyo ng gasoline, P2.30 per liter sa diesel habang P2.10 per liter naman na bawas sa presyo ng kerosene.
Ilan sa mga oil company ay maagang magpapatupad ng bawas presyo, kabilang na ang Phoenix Petroleum, linggo naman ng umaga nag-adjust ng presyo ang Seaoil at Jetti habang sa Martes pa ng umaga mag ro-rollback ang malalaking kumpanya tulad ng Shell, Caltex at PTT Philippines.
Ngayong taon ay nagkaroon na ng dalawamput siyam na beses ng price hike sa gasoline na umaabot na ng mahigit 18 piso, habang nagkaroon naman na ng labing pitong rollback na umaabot na sa mahigit 15 piso.
Ang diesel ay mayroon ding dalamput siyam na beses tumaas na umaabot sa halos beinte pesos at labimpitong rollback na umaabot na sa mahigit labing tatlong piso.
Ang kerosene ay dalawamput pitong beses na nagtaas na umaabot sa mahigit labing siyam na piso at mayroong 17 rollbacks na umaabot na sa halos labing apat na piso.
Pero ayon sa Department of Energy, posibleng mahinto na ang pagbaba sa presyo ng produktong petrolyo kapag nagpulong na sa ika-6 ng Disyembre ang Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC).
Plano ng OPEC na magbawas na ng supply upang mabalanse ang merkado. Napansin ng OPEC na lubhang lumalaki ang supply ng langis na posibleng ikalugi nila kung hindi ito lahat magagamit o makokonsumo.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )