Presyo ng produktong petrolyo, may panibagong rollback ngayong linggo

by Radyo La Verdad | November 19, 2018 (Monday) | 2835

Sa ika-anim na sunod na linggo ay muli na namang bababa ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Subalit hindi gaya nang nakaraang linggo na umabot ng mahigit dalawang piso, mahigit piso lamang ang bawas-presyo ng mga oil company.

Ayon sa mga industry player, magkakaroon ng piso at trenta sentimos hanggang kwarenta sentimos na bawas sa presyo ng gasolina, piso at sampung sentimo hanggang kinse sentimo sa diesel at halos piso naman sa kerosene.

Nauna nang nag-anunsyo ng rollback ang ilang oil companies na epektibo ngayong Lunes at Martes, alas sais ng umaga.

Kabilang dito ang Unioil, Seaoil, Petro Gazz at Jetti na magbabawas ng P1.30 per liter sa gasoline at P1.10 per liter sa diesel.

Ang Shell, Caltex at PTT Philippines naman ay P1.25 per liter ang bawas sa gasoline at P1.10 per liter sa diesel.

Ayon sa Department of Energy (DOE), kahit papano ay nagiging maganda ang kalakaran ng langis sa pandaigdigang pamilihan.

Mataas rin ang imbentaryo ng crude oil ng Estados Unidos kung kaya’t walang kakulangan sa supply.

Umaasa ang DOE na magtutuloy-tuloy na ito hanggang sa katapusan ng taon bagaman maituturing na uncontrolable ang presyo ng produktong petrolyo sa world market.

Ayon kay Oil Industry Management Bureau Assistant Director Del Romeo, hindi basta papayag ang mga oil producing countries na sumadsad ng husto ang presyo dahil maaari itong makaapekto sa kanilang ekonomiya.

Samantala, sisimulan ng dinggin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang petisyon ng United Filipino Consumer and Commuters na ibalik sa walong piso ang minimum fare sa jeep.

Ito ay dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,