BOCAUE, Bulacan – Tumaas na ng mahigit 30% ang halaga ng paputok ngayon sa Bocaue, Bulacan.
Ayon sa mga matagal nang nagtitinda, kakaunti ang dumarating na suplay galing sa mga manufacturer. Ngayon lang umano nangyari sa ‘fireworks capital’ ng bansa na kinakapos sila ng stock ng mga paputok.
Marami aniyang manufacturer ang hindi na nagsuplay ng paputok at pailaw. Kabilang na rito ang Platinum at Diamond na mga kilalang fireworks manufacturer sa Bulacan.
“Expected naman na mataas kasi kulang mga suplay talaga. Mas maraming stock dati kaysa ngayon,” ani Marcelo Angeles, isang fireworks dealer.
Kabilang sa mga paputok na tumaas ang presyo ay ang sawa na 2000 rounds, mula sa dating ₱500 ngayon ay ₱750 na. Ang 1000 rounds na dating ₱300 ngayon ay ₱450. Ang 500 rounds naman na dating ₱150 ngayon ay ₱200.
Sa mga pailaw, ang 200 shoots na dating ₱20,000 ngayon ay ₱25,000 na. Ang 100 shoots naman na dating ₱3,500 ngayon ay ₱5,000 na. Ang 49 shoots na dating ₱2,000 ay ₱2,500 na at ang 16 shoots dating ₱500 ngayon ay ₱800 na.
Ang luces naman na dating ₱30 per bundle ngayon ay ₱35 na. Ang fountain na dating ₱25 ngayon ay ₱50 na.
Sa ngayon ay matumal pa ang bentahan ng paputok sa Bocaue, Bulacan. Ngunit inaasahan na mararanasan ang bulto ng tao sa ika-27 hanggang ika-31 ng Disyembre.
(Nestor Torres | UNTV News)
Tags: Bulacan, firecrackers, paputok, taas-presyo