METRO MANILA – Naglabas na ng forecast ang Unioil para sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon sa pahayag ng Unioil, inaasahang ipatutupad ang isa na namang fuel increase simula bukas (June 21).
Base sa taya ng Unioil, nasa P2.50 ang posibleng idagdag sa presyo ng Diesel habang nasa P0.50 na man kapag gasolina.
Halos ganito rin ang adjustment na inaasan ng Clean Fuel ngayong linggo.
Pangunahing mga dahilan pa rin nito ay ang krisis sa pagitan ng Russia at Ukraine at ang pagluwag ng mga restriksyon sa China na dahilan ng pagtaas ng demand sa langis ng bansa.
Ngayong taon, umaabot na ng mahigit P40 ang itinaas sa presyo ng krudo, mahigit P28 sa gasolina at halos P38 pesos sa kerosene.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang patuloy na fuel price hike ang dahilan ng pagbaba ng bilang ng mga saksakyan sa Edsa simula noong buwan ng Mayo.
Pangamba naman ng ilang mga transport groups, mapipilitang tumigil na sa pamamasada ang ilang pampublikong sasakyan dahil sa kawalan ng kita.
Bago magtapos ang Hunyo ay nakatakda namang desisyunan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang fare hike petitions para sa public utlity jeepney at Transport Network Vehicle Service (TNVS).
Habang ang isang grupo ng mga taxi operators ay hahabol na makapag-file ng kanilang petisyon sa dagdag-pasahe ngayong linggo.
(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)
Tags: oil price hike