Presyo ng mga panghanda, hindi na dapat tumaas, habang papalapit ang Holiday Season – DTI

by Erika Endraca | December 13, 2019 (Friday) | 22428

METRO MANILA – Muling nagikot kahapon (Dec 12) sa ilang pamilihan sa Quezon City ang mga tauhan ng Department of Trade Industry (DTI) upang tingnan ang presyo ng mga panghanda.

Kabilang sa mga sinuri ng DTI ang presyo ng ham, mga pasta, tomato sauce, fruit cocktail, mayonaise, at queso de bola.

Sa supermarket na binisita ng DTI, magandang balita dahil mas mababa pa ang presyo ng mga ito kumpara sa kanilang Suggested Retail Price.

“Namonitor natin na merong mga products are lower by 10 pesos, merong 4 pesos 6 pesos at hanggang piso so malaking benefit para sa mga consumer.” ani DTI Consumer Protection Group Usec. Ruth Castelo.

Noong Oktubre, inaprubahan ng DTI na magtaas ng presyo ang mahigit 100 klase ng produkto, kabilang na ang hamon, fruit cocktail, spaghetti, pasta, mayonaise, keso at condense milk.

Nasa 2 hanggang 13% ang taas-presyo depende sa klase, brand at size ng produkto. Katumbas ito ng P3 hangangg P76 kada item.

Tiniyak naman ng DTI sa mga consumer na hindi na tataas ang presyo ng mga holiday goods habang papalapit ng papalapit ang holiday season.

“We give the assurance sa consumers natin na kung ano yung nasa suggested retail price bulletin na released on October 30, 2019 ito na yung magiging presyo until after the holidays” ani DTI Consumer Protection Group Usec. Ruth Castelo.

Pero aminado ang DTI na may mga pamilihan ang hindi na nila namo-monitor kaya’t may mga pagkakataon na sinasamantala ng ilang negosyante.

Nauna nang sinabi ng DTI na makatwiran lamang ang inaprubahan nilang price increase sa ilang produkto dahil sa pagtaas ng production cost.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,