Presyo ng mga holiday items tumaas, ngunit pasok pa rin sa SRP

by Jeck Deocampo | December 20, 2018 (Thursday) | 7537

METRO MANILA, Philippines – Pasok pa rin sa suggested retail price ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga holiday item na mabibili ngayon sa merkado. Ito ang lumabas sa isinagawang inspeksyun ng DTI kahapon sa ilang pamilihan.

 

Karamihan ng presyo ay mababa ng ₱3 hanggang  ₱6 base sa itinakdang SRP. Ngunit aminado ang DTI na mas tumaas ang presyo ng mga holiday item ngayong Disyembre kaysa noong nakaraang taon.

 

Pero mas marami pa rin ang nagdesisyon na huwag magtaas dahil sa takot na hindi mabili ang kanilang produkto.

 

Ani DTI Undersecretary Ruth Castelo, “Yung mga nagtataas ng presyo, it’s the manufacturers’ look out kasi market share nila ‘yung nababawasan.”

 

Tumaas ang presyo ng ilang brand ng mayonnaise, ham at tomato sauce.  Sa kabilang banda, marami naman ang bumaba at nag-retain ng presyo katulad ng pasta, fruit cocktail at keso de bola.

 

Tinitiyak ng DTI na sapat ang supply ng mga holiday product na mabibili sa pamilihan at inaasahang mananatili ang presyo nito hanggang sa susunod na taon.

 

Samantala, nagkaubusan naman ng NFA rice sa isang branch ng supermarket sa Maynila. Ayon sa store manager, marami ang namakyaw dahil sa murang halaga nito.

 

Nagpaalala naman si DTI Undersecretary Ruth Castelo sa mga negosyante na nagsasamantalang mamakyaw ng murang bigas

 

Aniya, “Kumuha naman sila ng bigas na hindi sa ganitong programa. Dahil ‘yung programa natin na ‘to para sa mga kababayan natin na makatulong tayo na magkaroon sila ng murang bigas”

 

Pinayuhan naman ng DTI ang mga consumer na samantalahin ang mga bundled grocery at promo items upang mas makatipid sa pamimili.

Tags: , , ,