Presyo ng mga bilihin sa mga susunod na buwan, posible pang tumaas

by Radyo La Verdad | October 6, 2022 (Thursday) | 37638

METRO MANILA – Bahagyang tumaas ang inflation rate nitong nakaraang buwan kumpara noong Agosto na nasa 6.3% lamang.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), isa sa malaking ambag sa pagtaas ng inflation ay ang pagkain. Aabot ito ng 70% ng kabuoang inflation sa bansa.

Pangunahin sa tumaas ang presyo ay ang isda, karne, gulay at asukal.

Ayon kay National Statistician and Civil Registrar General Usec. Dennis Mapa, kapag tumaas ang presyo ng pagkain ay nadadamay din ang inflation sa mga restaurant kasama na ang mga karinderya.

“Itong 3 groups under the food commodity group-fish, meat, vegetables, ito yung tinitingnan namin. Pag tumataas kasi itong 3 ito yung nakikita natin in the previous months talagang tumataas yung food inflation. And this will also have ripple effect doon sa isa pang sub-group yung restaurant and accommodation services.” ani National Statistician and Civil Registrar General Usec. Dennis Mapa.

Kabilang din sa naka-ambag sa pagtaas ng inflation rate ang pagtaas ng housing, electricity, water at fuel. May kontribusyon din dito ang mabilis na pagtaas ng presyo ng transportasyon.

Ayon kay Usec. Mapa, may kinalaman din ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar lalo na sa mga produktong inaangkat ng bansa.

Ang inflation ngayong Setyembre ang sumunod na mataas kumpara noong February 2009 na nakapagtala ng 7.2%.

Ang pinakamataas na inflation ay naitala noong August 2008 na umabot sa 10.5% dahil naman sa global financial crisis.

Ayon sa PSA, posibleng sa mga susunod na buwan ay makapagtala parin ng mataas na inflation dahil sa pagtaas ng presyo ng pagkain at transportasyon, kasama pa ang epekto ng bagyong Karding sa agrikultura.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,