Presyo ng mga bilihin sa ilang palengke sa Quezon City, muling tumaas

by Radyo La Verdad | September 3, 2018 (Monday) | 7846

Malaki na nalulugi sa karinderya ni Aling Manay Dela Fuente sa Balintawak Market dahil sa muling pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa ilang pamilihan sa Quezon City. Hindi naman siya makapagtaas ng presyo ng kaniyang mga lutong pagkain sa takot na mawalan ng mga bibili.

Bukod sa bigas, ilang seafood at karne ang nagtaas ng sampu hanggang tatlumpung piso bawat kilo.

Sa Balintawak Market, ang bangus na dating nasa 130 piso kada kilo, ngayon ay 150 piso na. Salmon naman na dating 60 piso, ngayon ay nasa 80 piso.

Gayundin din ang tulingan na ngayon ay nasa 130 piso bawat kilo na mula sa dating 100 piso. Tumaas din ang presyo kada kilo ng tilapia, yellow fin tuna at galunggong.

Bukod sa isda, may dagdag din sa presyo ng pusit at hipon na ngayon ay nasa 320 piso na kada kilo mula sa dating 300 piso, habang ang alimasag naman ay 300 piso bawat kilo na mula sa 280 piso.

Samantala, tumaas din ng 5 hanggang 30 piso ang presyo kada kilo ng mga gulay.

Ayon sa mga tindero, pangunahing sanhi ng dagdag sa halaga ng mga bilihin ay ang mga sama ng panahong naranasan sa bansa.

Bukod sa mga lamang dagat at gulay, nagkaroon din ng pagtaas sa presyo ng karne gaya ng baboy na 200 kada kilo na mula sa 190 piso kada kilo at manok na 150 kada kilo mula sa dating 140 pesos bawat kilo.

Ayon naman kay Agriculture Secretary Manny Piñol, inaasahan naman nila na kapag bumaba na ng presyo ng bigas sa Nobyembre, susunod na rin ang presyo ng iba pang bilihin.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

Tags: , ,