Presyo ng mga bilihin, posibleng tumaas dahil sa congestion ng mga empty container sa pantalan

by Radyo La Verdad | September 26, 2018 (Wednesday) | 2870

Halos apatnapung libong piso ang nalulugi sa trucker na si Mang Abraham dahil sa congestion ng mga empty container sa Port Area.

Hindi niya magamit ang kanyang truck dahil hindi siya makapagkarga ng bagong delivery.

Inaabot aniya ng limang araw bago kunin muli ng mga shipping companies ang kanilang mga empty container mula sa mga trucker.

Ang libo-libong empty container na sana ay kinikuha pabalik ng mga international shipping companies sa kanilang bansa ay itinatambak sa Pilipinas dahil mas mura daw ang renta dito kumpara sa ibang bansa, kung kaya’t nagresulta ito ng congestion ng empty containers sa mga pantalan.

Plano ng mga trucker na bawiin ang nalulugi sa kanila sa pamamagitan ng pagtataas ng singil sa delivery. Dahil dito, inaasahang tataas din ang presyo ng mga bilihin lalo na ngayong ber months.

Punong-puno na rin ang mga container yard sa mga pantalan at ibang bahagi ng Metro Manila.

Sa isang imbakan ng container van sa Navotas, ang dapat na apat na patong lamang umabot na sa pitong patong. Delikado na raw ito hindi lamang sa mga trabahador, kundi sa mga bahay na malapit sa lugar.

Dumulog ang grupo ng mga truckers sa Bureau of Customs (BOC) upang humingi ng tulong.

Naglabas naman agad ang BOC ng Customs Administrative Order upang pagmultahin ang mga shipping companies na ayaw iuwi ang kanilang mga empty container, subalit hanggang ngayon ay wala pang tumutugon dito.

Nag-alala naman ang mga supermarket owners na umaasa ng delivery sa mga truckers. Ang epekto nito, wala daw pinagkaiba sa port congestion.

Bukod sa empty container congestion, makakaapekto rin sa presyo ng mga bilihin ang matinding traffic tuwing ber months.

Dahil sa maaantala ang delivery, magkakaroon ng problema sa suplay na posibleng magpataas sa presyo ng ilang bilihin.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,