Presyo ng LPG, tataas ngayong araw

by Radyo La Verdad | August 1, 2018 (Wednesday) | 2965

METRO MANILA – Mahigit piso kada kilo ang itataas sa presyo ng liquified petroleum gas (LPG) simula ngayong araw.

Nangangahulugan ito na nasa halos bente pesos ang madadagdag sa kada 11 kilogram na tangke nito. Bukod pa dito ang dagdag na P1.12 excise tax na ipinataw sa LPG simula pa noong Enero ngayon taon.

Ayon sa mga manufacturer, maaari pa rin namang makamura ang mga consumer dahil sa price range na itinalaga ng DOE sa LPG na mula 600 to 780 piso.

Ang karinderya owner na si Andrila Abitria, labing apat na tangke ng LPG ang nagagamit sa isang linggo sa bente kwatro oras na operasyon.

Malaki-laking dagdag din sa kanilang operating expenses ang panigabong price increase na ito, ngunit hindi pa niya masabi kung magtataas  na sila ng presyo ng mga ulam.

Sa ngayon aniya ay humahanap na lang muna sila ng ibang paraan upang makatipid sa gastos.

Ayon sa DOE, tumaas ang presyo dahil tumaas rin ang sinisingil na freight o ang binabayarang halaga sa transportasyon ng LPG.

Apektado rin ang presyo ng LPG sa sigalot na nangyayari sa Middle East at ang paghahanda ng Europa sa pagpasok ng taglamig dahil LPG ang ginagamit ng mga ito na pampainit tuwing winter.

Muli namang kinondena ng Laban Konsyumer group ang mataas na presyo ng LPG dahil sa pinapatupad na excise tax

Sa isang pahayag ni Laban Konsyumer president Vic Dimagiba, mas mababa sana ang presyo kung wala ang dagdag na buwis sa LPG.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,