METRO MANILA – Pinangangambahang tumaas hanggang P1,300 ang presyo ng kada 11 kilogram na tangke ng Liquified Petroleum Gas (LPG) sa bansa ayon kay Department of Energy Undersecretary Gerardo Erguiza Jr.
Ito ay kung magtutuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa global market.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy kahapon (March 14), sinabi ni Department of Energy Undersecretary Gerardo Erguiza Jr. na kapag tumaas pa sa $140 per barrel ang presyo ng gasolina sa global market.
Posible aniyang tumaas din ang presyo nito sa bansa hanggang P86.72 per liter ang presyo ng gasolina, P81.10 per liter sa diesel at P80.50 per liter naman sa kerosene.
Kasunod din niyan ang pagtaas ng presyo ng LPG, na aabot sa P119.53 sa kada kilo.
O katumbas ng mahigit P1,300 pesos o higit pa sa bawat 11 kilogram na tangke ng LPG.
Sa ngayon ayon sa DOE, nasa P880.45-P1140.00 ang halaga ng 11-kilogram na tangke ng LPG o halos P80 – P103 kada kilo.
Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo, siniguro naman ng Department of Energy (DOE) na may sapat na suplay ng produktong petrolyo ang bansa.
(Syrix Remaneres | UNTV News)
Tags: LPG