METRO MANILA – Mula sa kasalukuyang presyo ng baboy na umaabot sa 420 pesos ang kada kilo, posible pa itong tumaas ng 440 pesos ngayong papalapit na ang holiday season.
Ayon kay Rosendo So na Chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), ang mataas na presyo sa mga produktong petrolyo at feeds ang nagpapabigat pa rin ngayon sa mga hog dealers kaya’t hindi pa rin maibaba ang presyo ng karneng baboy.
“Tataas pa ang presyo ano, kasi ito ay based on fuel price na 43 palang noong last season. Hindi lang naman baboy, pati chicken nasa 100 pesos. Ang itlog tumaas na rin per pieces ng 25 centavos” ani Sinag Chairman, Rosendo So.
Sa Mega Q Mart, umaabot sa 350 hanggang 360 pesos ang kada kilo ng kasim. Habang 400 to 420 naman ang bawat kilo ng liempo.
Sa Commonwealth Market, 310 hanggang 320 pesos kada kilo ang presyo ng liempo at 350 hanggang 360 pesos kada kilo ang kasim.
Sa Munoz at Guadalupe Market naman, naglalaro sa 360 pesos hanggang 380 pesos kada kilo ang presyo ng liempo. Habang nasa 320 at 330 pesos kada kilo and presyo ng kasim.
Nabibigatan ang ilang mamimili sa pagtaas ng presyo. Kaya ang ilang consumer,mas pinipili na lamang na bumili ng mga gulay upang makatipid sa budget.
Bukod sa karneng baboy, nagbabadya rin na tumaas pa ang presyo ng manok na ngayon ay naglalaro ang presyo sa 150 hanggang 170 pesos per kilo.
Samantala, muli namang nanawagan sa Department of Agriculture (DA) ang SINAG na higpitan ang pagbabantay sa mga border, dahil sa posibilidad ng pagpupuslit ng mga baboy na may African Swine Fever (ASF).
Nangamba ang sinag na ngayong holiday season maaring makalusot ang mga baboy na may sakit alang-alang na maibenta sa merkado ng mga mapagsamantala.
(Aileen Cerrudo | UNTV News)
Tags: Presyo ng Baboy