Presyo ng kuryente, posibleng tumaas sa susunod na buwan

by Radyo La Verdad | June 17, 2016 (Friday) | 2911

KURYENTE
Ngayong linggo lamang, tatlong beses na numipis ang supply ng kuryente sa Luzon habang anim na beses naman ngayong taon.

Ang dahilan, mataas na demand at madalas na pagbagsak ng mga planta.

Dahil dito, nakikita ng MERALCO na posibleng tumaas ang presyo ng kuryente sa susunod na buwan.

Kanina ay itinaas ang yellow alert warning sa buong Luzon grid dahil sa manipis na supply ng kuryente.

Ang dahilan ng manipis na supply ay ang force outage ng 300 megawatts ng power plant at ang 50 megawatts na Angat hydro kasabay ng ongoing maintenance shutdown ng Pagbilao 2 na may 382 mw, Malaya 1 na may 300 mw at SLPGC 1 na may 140mw.

Kanina ay nasa 9400 megawatts and demand sa buong Luzon at tumaas pa ito kaninang alas dos ng hapon sa 9514 megawatts.

Tinatayang mayroon lamang 482 megawatts na reserve sa Luzon grid kaninang alas onse ng umaga at bumaba pa ito sa 356 megawatts kaninang alas dos ng hapon.

Inalerto na ng MERALCO ang mga miyembro ng Interruptible Load Program o ILP upang makatulong sakaling bumagsak pa ang supply ng kuryente.

Hinikayat rin ng DOE ang lahat na magtipid sa paggamit ng kuryente gaya ng pagse-set ng temperatura ng air-conditioning unit sa 25 degrees.

Lagi namang inihahanda ng MERALCO ang iskedyul ng brownouts sakaling lumala ang sitwasyon sa manipis na supply ng kuryente ngayong araw.

(Mon Jocson / UNTV Correspondent)

Tags: , ,