Nilinaw ni House Speaker Gloria Arroyo sa harapan ng mga local producer ng karne na walang babaguhin sa nakapataw na buwis sa mga imported meat.
Naalarma ang mga meat producer na baka mawalan ng gana ang mga nag-aalaga ng baboy lalo na ang mga backyard raisers kung magiging mas mura ang imported na karne dahil sa pagbaba ng taripa.
Ayon sa presidente ng Samahang Industiya ng Agrikultura (SINAG) na si Rosendo So, tiniyak aniya ni Speaker GMA na hindi aamiyendahan ang 35% na taripa sa mga imported meat.
Ayon pa kay So, stable naman ang presyo ng buhay na baboy sa loob ng nakalipas na 2 buwan bagama’t medyo tumaas ang gastos sa pag-aalaga nito. Sa mga susunod na linggo aniya ay posibleng bumaba pa ang presyo ng karne.
Samantala, hindi naman naniniwala si So na may nangyayaring cartel o hoarding ng bigas sa bansa.
Ayon naman kay Speaker Arroyo, posibleng sa mga susunod na araw ay maipasa na sa Kamara ang tariffication bill na magbibigay daan para lumuwag ang pagpasok ng imported na bigas sa bansa.
( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )
Tags: karneng baboy, Speaker Arroyo, taripa