Presyo ng kape, tinapay at canned goods, tumaas batay sa bagong SRP ng DTI

by Radyo La Verdad | February 9, 2023 (Thursday) | 13138

METRO MANILA – Pinagbigyan na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang kahilingan ng ilang manufacturers na magtaas ng presyo ng kanilang mga produkto bunsod ng patuloy na pagtaas ng halaga ng ilang raw materials.

Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castello, ilang beses nang umaapela ang mga manufacturer ng price increase sa ilang basic at prime commodities para makabawi naman ang mga ito  mula sa epekto ng pandemya.

Gayundin ang epekto sa negosyo ng Russian-Ukraine war, at pagtaas ng inflation.

Sa bagong SRP na inilabas ng DTI, P2.75 ang itinaas sa condensed milk na ngayon ay mabibili na ng P42.

Isang brand naman ng 3 in 1 coffee ang nagtaas rin ng halos P1.

P2 naman ang nadagdag sa presyo ng Pinoy pandesal at Pinoy tasty.

Nagtaas rin ng P1 ang ilang brand ng detergent o laundry soap.

Mayroong ring paggalaw sa presyo ng ilang delata kung saan higit P3 ang itinaas sa ilang brand ng luncheon meat. Habang mahigit P1 naman ang sa meat loaf.

Nadagdagan rin ng nasa P2  ang presyo ng ilang brand ng corned beef; gayundin sa beef loaf.

Samantala, sa condiments naman tumaas ang presyo sa ilang brand ng patis o fish sauce per bottle at budget pack.

Habang wala namang naging paggalaw sa presyo ng suka at toyo.

Ayon kay Usec. Castello, hindi lahat ng manufacturers na humihiling ng taas presyo ang kanilang napagbigyan at nilimitahan lamang din muna ng DTI ang halaga ng taas presyo.

Ayon sa DTI sa kabuoan nasa oP1.50 ang average ng price increase na kanilang pinayagan at pinakiusapan ang mga manufacturer na unawain muna ang sitwasyon at hindi na muna maaaring itaas pa rito ang ipapataw na dagdag presyo.

(Janice Ingente | UNTV News)

Tags: ,