Presyo ng imported na karne, posible ring maapektuhan ng TRAIN Law – Meat Importer

by Radyo La Verdad | January 5, 2018 (Friday) | 4744

Kalkulado na ng grupo ng nag-aangkat ng karne kung gaano ang posibleng itaas ng kanilang gastos sa kanilang produkto dahil sa magiging epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.

Ayon sa presidente ng Meat Importers and Traders Association na si Jess Cham, nasa 10-20 sentimong dagdag na gastos sa transportasyon ang posibleng maging dagdag sa kada kilo ng karne dahil sa inaasahang pagtataas naman ng presyo ng langis. Bukod pa dito ang maaaring dagdag din sa gastos sa mga imbakan o cold storages.

Pero ayon kay Cham, hindi pa kasama dito ang magiging patong na presyo ng mga retailer.

Mismong ang Bureau of Animal Industry o BAI ay naaamoy na ang posibleng pagtaas ng presyo ng mga livestock products.

Pero ayon sa grupo ng mga nag-aalaga ng manok, kahit lalaki ang kanilang gastos ay hindi naman nila basta maipasa ito sa mga mamimili.

Ayon sa BAI, gagawa naman ng paraan ang Department of Agriculture upang maibsan ang epekto ng bagong tax law sa mga maaapektuhan ng pagtaas ng produktong agraryo.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,