METRO MANILA – Base sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA), mas mababa pa ang presyo ng lokal na bigas kumpara sa imported.
Halimbawa nalang ang regular milled na P34 ang kada kilo ng pinakamababa sa lokal habang P37 naman sa imported.
Ayon sa Chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na si Rosenda So, umaabot na ngayon sa P40 ang kada kilo ng well milled na imported rice pagdaong pa lamang nito sa pantalan.
Kahit na marami aniyang inangkat ay hindi parin nito napababa ang presyo sa merkado.
Posibleng sa mga susunod na Linggo ay tumaas pa aniya ang presyo ng bigas nang nasa P1 sa regular milled at P2 sa well milled.
Ayon kay So, tumaas na aniya sa P22 ang kada kilo ng palay na ibinebenta ng mga magsasaka.
Mataas aniya ang gastos ngayon ng mga magsasaka sa kanilang pagsasaka. Bukod pa rito ang na-delay na ayuda ng pataba.
Pero una nang sinabi ng DA na kung hindi umangkat ng bigas ang Pilipinas ay posibleng mas mataas pa ngayon ang presyo nito.
Noong 2022 ay umabot sa mahigit 3.8 million metric tons ang dumating na bigas sa bansa na siyang pinaka mataas sa kasaysayan.
Ayon sa SINAG kailangan ng ayuda sa mga magsasaka para mapataas ang produksyon at maging mababa ang presyo ng bigas.
Kahapon (Jan. 17) ay namahagi ng fertilizer voucher ang DA sa Pura, Tarlac.
Ayon sa Department of Agriculture, pag-uusapan pa nila ang mga gagawing hakbang para hindi tumaas ng sobra ang presyo ng bigas.
(Rey Pelayo | UNTV News)
Tags: DA, Local Rice, SRP