Piso hanggang dalawang piso ang itinaas ng ilang brand ng de-lata sa merkado.
Ayon sa Department of Trade and Industry, nagtaas ng piso ang isang kilalang brand ng sardinas habang nasa dalawang piso naman ang itinaas ng isang kilalang brand ng corned beef.
Ipinaliwanag ng DTI na ang taas-presyo ay bunsod ng paghina ng piso kontra dolyar. Ang mga raw materials na ginagamit sa paggawa ng de-lata ay inaangkat pa ng mga manufacturer sa ibang bansa.
Kapag bagsak ang halaga ng piso, nagtataas ang halaga ng raw materials kung kayat apektado ang presyo ng de-lata.
Tumaas rin ang presyo ng mga sweetened beverages, ngayon pa lamang nararamdaman ang totoong epekto ng TRAIN Law.
Ang ilang brand ng energy drink, tumaas ng dalawampung piso habang ang ilang brand ng powdered juice ay tumaas naman ng sampung piso. Sumabay pa dito ang naitalang 3.9% inflation o pagtaas ng mga bilihin nitong nakaraang Pebrero.
Kaya naman mahigpit na nagbabantay ang DTI upang maiwasan ang pananamantala sa mga consumer.
Nag-ikot ngayong araw sa iba’t-ibang mga pamilihan ang DTI upang i-check kung nakakasunod ang mga ito sa suggested retail price ng kagawaran.
Ayon sa DTI, bagamat umiiral ang TRAIN Law, napanatili pa rin ng ibang prime commodities ang mababang presyo.
Kabilang sa mahigpit na binabantayan ng kagawaran ay ang kape, gatas, mga de-lata, bigas, instant noodles, tinapay at iba pa.
Lahat ng mga mahuhuling magtataas ng presyo na hindi kasang-ayon sa SRP ay maaaring makasuhan ng profiteering.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )