Tumaas ang presyo ng ilang gulay sa Benguet ngayong holiday season. Kung dati ay 9 pesos ang per kilo ng sayote ngayon ay umaabot na ito sa 10 hanggang 11 pesos, 25 pesos naman dati ang kada kilo ng celery ngunit ngayon ay 30 hanggang 35 pesos na ito. Repolyo na dating 12 naging 14 hanggang 20 pesos per kilo, pechay 14 pesos na ngayon at ang carrot na mula sa 15 pesos per kilo ngayon ay 35 pesos na ito.
Ayon kay Benguet Farmers Marketing Cooperative Manager Augusta Balanoy, ang pagtaas ng presyo ay bunsod ng mataas na demand ng gulay ngayong holiday season.
Samantala, hindi naman apektado ang suplay ng gulay sa kabila ng patuloy na pagbaba ng temperatura sa lalawigan. Naitala ang pinaka mababang temperatura sa Trinidad, Benguet na umabot 9-10 degrees celsius.
Sa kabila nito, tiniyak pa rin ng Benguet Farmers Marketing Cooperative na sapat ang suplay ng gulay mula sa Benguet na umaabot sa two to two point five milyon kilograms kada araw.
Napag-alaman na 85% ng kabuuang vegetable consumption sa buong bansa ay nanggaling sa Benguet.
( Grace Doctolero / UNTV Correspondent )