Matapos ang ilang araw na pagbuhos ng malakas na ulan dulot ng habagat, tumaas ang presyo ng gulay sa ilang malalaking palengke sa Quezon City.
Sa Nepa Q Mart at Litex Market, tumaas ng sampu hanggang trenta pesos ang bentahan ng gulay; gaya na lamang ng repolyo na dating ibinebenta ng 70 piso, ngayon 100 piso na ang kada kilo.
Ang sayote na dating 20 piso lamang ang kilo, ngayon ay umaabot na sa 40 piso. Ang carrots na dating 80 piso, ngayon nasa 100 piso na ang bentahan. Tumaas rin ang presyo ng broccoli na ngayon ay ibinebenta na ng 80 piso.
Trenta pesos naman ang itinaas kada kilo ng pechay Baguio, habang limang piso naman ang nadagdag sa presyo ng kada kilo ng patatas.
Nagkaroon rin ng bahagyang pagtaas sa presyo ng ampalaya, talong, kalabasa at sitaw na nasa 80 hanggang 100 piso ang bentahan. Maging ang kada kilo ng sibuyas at kamatis ay nagmahal rin ng bente pesos.
Paliwanag ng mga nagtitinda, tumaas ang benta ng gulay ng mga supplier lalo na ang mga galing sa Baguio City.
Bukod sa mga gulay, nagmahal rin ng 20 hanggang 50 piso ang karne ng baboy at manok sa palengke.
Ang laman at liempo na dating ibinebenta ng 190 piso kada kilo, ngayon naglalaro na sa 210 hanggang 240 piso. Ang manok na dating 140 piso, tumaas na sa165 piso ang kada kilo.
Dahil dito, nagrereklamo ang ilang nagtitinda sa matumal na bentahan ng kanilang negosyo.
Tumaas rin ng sampu hanggang bente pesos ang presyo ng ilang isda, gaya ng galunggong, tilapia at bangus.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: habagat, Metro Manila, Presyo ng gulay