Presyo ng gulay at karne, tumaas dahil sa pagpasok ng tag-ulan

by Radyo La Verdad | June 11, 2018 (Monday) | 8367

Tumaas na ang presyo ng gulay at ilang karne sa Balintawak market. Kabilang sa mga ito ang presyo ng luya, papaya, gabi, sigarilyas, kamatis, kangkong, carrots, bell pepper, pechay baguio, sitaw at kalamansi.

Pero ang kalabasa, repolyo, sibuyas, bawang, brocolli, pipino, talong at ampalaya ay nananatili parin sa dating presyo.

Tumaas na rin ang presyo ng karneng baboy at manok habang walang paggalaw sa kada kilo ng karneng baka.

Kaninang umaga nag-ikot naman ang Department of Trade and Industry (DTI) sa malalaking pamilihan sa San Juan upang tiyaking sumusunod ang mga ito sa suggested retail price (SRP).

Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, nagkaroon ng bahagyang pagtaas sa presyo ng de lata at kandila dahil karamihan sa mga raw materials nito ay inaangkat pa sa ibang bansa. Isama pa umano ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Nanawagan ang DTI sa publiko ipagbigay alam sa kanila sakaling may mga pamilihan na sobrang taas ang presyo ng mga paninda.

Ang mapapatunayang hindi sumusunod sa SRP ng DTI ay maaaring pagmultahin ng 300 libong piso hanggang isang milyong piso.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,