Presyo ng galunggong maari nang bumaba sa mga susunod na Linggo – BFAR

by Radyo La Verdad | February 5, 2024 (Monday) | 5265

METRO MANILA – Inaasahan na bababa na ang presyo ng galunggong sa mga susunod na Linggo matapos i-lift ang 3 buwang closed fishing season sa Palawan.

Paliwanag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), kinailangan na magpatupad ng closed fishing season para bigyang daan ang muling pagpaparami ng mga isda gaya ng galunggong.

At dahil bukas na muli ang mga fishing ground, inaasahan na darami na ulit ang supply ng galunggong sa mga pamilihan.

Nangangahulugan ito na kapag mas marami na ang supply ay bababa na ang presyo nito.

Dagdag ng BFAR, mayroon silang iba’t ibang programang isinasagawa para mas maging stable pa ang supply ng isda sa mga pamilihan sa bansa.

Kasama dito ang pagpapalawak ng mga marine culture park o mga palaisdaan para sa mas maraming supply isda.

Mayroon ding programa sa mga munisipalidad kung saan binibigyan ng mas malalaking mga bangka ang mga mangingisda para makarami sila ng mahuhuli sa dagat.

Nauna na ring sinabi ng BFAR na may planong mag-angkat ang gobyerno ng nasa 35,000 metric tons ng iba’t ibang klase ng isda dahil sa paghinto ng fishing season.

Tags: ,