Presyo ng commercial rice, ‘di pa rin bumababa kahit may NFA rice na

by Radyo La Verdad | August 1, 2018 (Wednesday) | 3343

METRO MANILA – Nasa P40 pa rin ang pinakamababang presyo ng kada kilo ng bigas sa isang retail outlet sa Kamuning Market.

Ayon sa mga mamimili at tindera sa lugar, pareho pa rin o halos walang paggalaw ang presyo ng commericial rice mula noong mag-umpisang mag-supply ng National Food Authority (NFA) rice sa mga palengke isang buwan na ang nakalilipas. Ito’y sa kabila rin ng mas marami ang bumibili sa NFA rice.

Ayon sa NFA, hindi pa rin nila nakakalatan ng NFA rice ang lahat ng merkado dahil naantala ang pagdiskarga ng bigas sa mga pier bunsod ng mga pag-ulan.

Ayon naman sa Grain Retailers Confederation of the Philippines (GRECON), ang mga natitira pang stock ng commercial rice ngayon ang inilalabas ng mga traders na binili nila sa mga magsasaka sa mataas na halaga.

Posible rin anilang isa sa dahilan ng hindi pagbaba ng presyo ng bigas ay ang pagkasira ng mga pananim sa Luzon dahil sa habagat.

Pero nauna nang sinabi ng Department of Agriculture (DA) na wala pa sa 1% ang epekto ng mga nasirang pananim sa nagdaang pag-ulan kung ikukumpara sa kabuoang produksyon ng bigas sa bansa.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,