Presyo ng bigas, tumaas

by Radyo La Verdad | March 6, 2018 (Tuesday) | 10783

Sa pinakahuling monitoring National Price Coordinating Council (NPCC), malaki ang itinaas sa presyo ng bigas matapos maipatupad ang TRAIN Law.

Ang regular-milled rice na dating P37 per kilo, ngayon ay P40 na at ang well-milled rice, tumaas ng dalawang piso mula sa dating  presyo nito na P40. Piso naman ang itinaas ng premium habang hindi naman gumalaw ang presyo ng special rice na P55.

Ayon sa mga retailer, ang pagtaas sa presyo ng bigas ay dahil sa pagtaas rin ng presyo ng gasolina.

Pinag-iisipan ngayon ng NPCC na maglagay ng suggested retail price (SRP) sa presyo ng commercial rice.

Nanawagan naman ang National Economic and Development Authority (NEDA) sa Department of Trade and Industry (DTI) na gumawa ng paraan upang hindi masyadong maapektuhan ang publiko sa pagtaas sa presyo ng mga bilihin.

Nitong nakaraang Pebrero lamang, nakapagtala ng 3.9 percent na inflation ang NEDA, nangangahulugan na malaki ang itinaas sa presyo ng mga bilihin.

Ayon sa NEDA, kailangan palawigin pa ng pamahalaan ang Pantawid Pamilya Pilipino Program  (4Ps) upang makatulong sa mga mahihirap nating kababayan.

Kailangan ring paigtingin ang pagbabantay ng DTI upang maiwasan ang pananamantala sa mga consumer.

Sa lalong madaling panahon ay ipatutupad naman ng DTI ang SRP sa mga sari-sari store, sa ganitong paraan ay maiiwasan ang labis na pagtutubo at mamomonitor na rin nila ang presyo kahit sa mga kasuluksukan ng mga barangay.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,