Presyo ng bigas sa Zamboanga City, bumaba na kasunod ng pagpasok ng bagong suplay

by Radyo La Verdad | August 23, 2018 (Thursday) | 4951

Unti-unti nang naiibsan ang krisis ng bigas sa Zamboanga City. Kasunod ito nang pagpasok ng suplay mula sa Cotabato, Basilan at maging imported rice galing sa India.

Ayon sa lokal na pamahalaan, nasa mahigit 150, 000 sako na ng bigas na ang dumating sa lugar.

Ayon sa Zamboanga City government may mga rice trader na nangakong magsusuplay ng 100,000 sako ng bigas sa lungsod.

Bunsod nito, kumpyansa ang lokal na pamahalaan na magiging normal na ang suplay at presyo ng bigas sa Zamboanga City sa mga susunod na araw. Nag-iikot na rin ang binuong monitoring team ng lungsod para mag-inspeksyon sa mga warehouse ng rice traders.

Sa ngayon ay makikita na marami na uling nagtitinda ng bigas sa ilang mga pamilihan sa lugar. Kung dati umaabot sa 60 hanggang 70 piso kada kilo ang presyo ng bigas; sa ngayon ay mayroon nang mabibili na 50 piso kada kilo.

Ayon naman sa National Food Authority (NFA), nagkapagpadala na sila ng 120 libong bags ng bigas sa lugar noong nakarang linggo at magpapadala pa ng panibagong 180 libong bags sa weekend upang makasapat sa pangangailangan ng mga taga lungsod. Nawalan na rin aniya ng gana sa pagsasaka ang mga lokal na magsasaka kaya’t kaunti na rin ang ani.

Ayon sa opisyal, hindi nila inaasahan na mangangaunti ang suplay ng bigas sa Zamboanga kung kaya’t hindi ito nakasama sa bilang na inangkat ng bigas ng ahensya.

Aminado naman ang mga may-ari nang karinderia sa lungsod na naapektuhan sila ng biglang pagtaas ng presyo ng bigas. Kaya mula sa dating sampung piso at napilitan silang itaas ang kada takal ng kanin.

 

( Dante Amento / UNTV Correspondent )

Tags: , ,