MANILA, Philippines – Kasabay ng pagdating ng mga inaangkat na bigas ng bansa at dahil harvest reason na rin ng palay, inaasahang magiging stable na ang presyo ng bigas sa mga pamilihan bago pumasok ang buwan ng Nobyembre ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol.
Bukod dito, umpisa sa susunod na linggo, matutukoy na ng publiko sa merkado ang Philippine at ang imported rice. Apat na lang din aniya ang magiging label ng bigas na ibebenta sa mga pamilihan: regular milled, well milled, special rice at premium rice. Wala nang fancy names na gagamitin sa mga mabibiling bigas sa merkado.
Sa ika-18 ng Oktubre, inaasahang ilalabas ng NFA Council ang suggested retail price (SRP) para sa presyo ng bigas.
Samantala, nilinaw ni Piñol na walang ‘unimpeded rice importation’ o tuluyang pag-aalis ng mga restriksyon sa pag-aangkat ng bigas. Maglalabas din aniya ang National Food Authority (NFA) ng mga panuntunang nagbibigay ng kaluwagan sa rice importation subalit may mga proseso pa ring susundin.
Alinsunod ito sa ipinag-utos ni Pangulong Duterte sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na siguraduhing sobra at di kulang ang suplay ng bigas sa bansa.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )