Presyo ng bigas, posibleng tumaas ng hanggang P4/kilo – SINAG

by Radyo La Verdad | August 1, 2023 (Tuesday) | 4611

METRO MANILA – Aabot ng P2 – P4 ang posibleng itaas ng presyo ng bigas sa mga pamilihan.

Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), mataas ngayon ang presyo ng bigas kahit sa ibang bansa.

Idadamay din nito ang presyo ng lokal na produksyon.

Sa pagtaya ng SINAG, magiging P48 – P50 ang presyo ng kada kilo ng pinakamababang presyo ng imported rice habang nasa P45 – P47 naman ang inani sa bansa.

Una rito binanggit mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior ang planong mag angkat ng bigas.

Pero ayon sa SINAG, dapat ay sapat lamang ang angkatin ng Pilipinas.

Ayon naman sa Federation of Free Farmers, maluwag ngayon ang importasyon dahil sa Rice Tariffication Law.

Pero nakikiramdam din ang mga importer sa magiging hakbang ng gobyerno sa importasyon.

Ang tanong ngayon ay kung paano nila gagawin ito dahil sa ilalim ng Rice Tariffication Law ay bawal na umangkat ang National Food Authority (NFA).

Ayon naman sa Department of Agriculture (DA), hindi kontrolado ng Pilipinas  ang pagtaas ng presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado.

Kaya’t pinalalakas na nito ang lokal na produksyon para hindi na nakadepende sa importasyon.

Pag-uusapan pa ng Intergency Task Force ang pinal na magiging desisyon sa pag-aangkat ng bigas.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,