Presyo ng bigas, inaasahang bababa ng P2 per kilo dahil sa pagdating ng imported NFA rice

by Radyo La Verdad | June 21, 2018 (Thursday) | 6219

Nakabwelo na sa pagdidiskarga ng bigas sa Subic Port ang 2 barkong galing pa ng Vietnam, lulan ang 17 thousand metric tons o 340 libong sako ng bigas na inangkat ng National Food Authority (NFA).

Ika-2 ng Hunyo pa nakadaong ang mga barko subalit hindi maibaba ang kargamento dahil sa maulang panahon.

Ayon kay NFA Administrator Jason Aquino, nakalaan ito para sa imbak na bigas o buffer stock ng NFA pero pangunahing bibigyan ng alokasyon ay ang ibebenta sa merkado.

Ang shipment ng ito ng bigas ay dadalin sa mga lalawigan sa Central Luzon partikular sa Zambales, Pampanga, Bulacan at maging sa Bataan. At sa mga susunod na araw ay maaaring maging available na ito sa merkado.

Ayon kay Aquino, nasa 43% na ng kabuoang 5 milyong sako ng inangkat na bigas ang nakakarating na sa bansa mula sa Vietnam at Thailand.

Nasa kahalating milyong sako ng bigas naman ang nakaantabay na sa Manila Port subalit hindi maidiskarga dahil sa congestion.

Ayon sa NFA, nasa P2 ang maaaring ibaba ng commercial rice kapag naideliver na sa merkado ang NFA rice.

Mananatiling namang 27 at 32 piso ang kada kilo ng NFA rice na ibebenta sa mga palengke.

Hinihintay na lamang ng NFA ang guidelines mula sa DBM para makapagibgay ng diskwento sa bigas para sa mga mahihirap dahil sa epekto ng TRAIN law.

Sa kabuoan ay nasa 10 milyong sako ng bigas ang inangkat ng NFA na inaasahang makakarating lahat bago matapos ang buwan ng Agosto.

Posibleng bago matapos ang taon ay aangkat pa rin ang ahensya ng karagdagang bigas.

Ayon kay NFA Spokesperson Rex Estoperes, hindi na mauulit na maubusan sila ng imbak ng bigas.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,