Presyo ng bangus, tumaas

by Radyo La Verdad | October 9, 2018 (Tuesday) | 9309

Umabot na sa P180 ang kada kilo ng presyo ng bangus sa Mega Q-Mart sa Quezon City.

Ayon sa mga tindero, nasa P140 lamang ang dati nitong presyo ilang linggo lamang ang nakalilipas.

Pero ang impormasyong nakarating sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) mula sa Philippine Milkfish Industry Group, marami namang supply ng bangus kahit sa pangasinan na pangunahing pinagkukunan nito.

Posible anilang ang pagtaas ng presyo ay dahil sa taas na rin ng presyo ng gasolina. Umaabot din anila sa 4 na salin ang dinadaanan ng bangus bago makarating sa merkado.

Samantala, nasa 140-160 pa rin ang presyo ng kada kilo ng galunggong sa palengke ng Q-Mart sa Quezon City.

Ayon sa mga tindera, hindi na ito bumalik sa dating presyo na P120 nito lamang nitong kalagitnaan ng taon.

Mayroon namang isang klase ng galunggong na nasa 100 piso lamang ang presyo kada kilo.

Pero kung ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang tatanungin, malaking na ang ibinaba nito mula sa dating presyo ng umabot pa ng P200 kada kilo sa ibang pamilihan.

Ito’y sa kabila ng hindi pa nga dumarating ang inaangkat na 17 libong metriko tonelada ng galunggong. Suspetsa ng opisyal, may nagmamanipula sa presyo nito.

Sa ngayon ay isinasagawa ang kaunaunahang Anti-illegal Fishing Summit sa PICC sa Pasay City para maprotektahan pa ang mga pinagkukunan ng isda sa mga karagatang sakop ng Pilipinas.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,