Manila, Philippines – Nagtaas ng 5-Piso kada kilo ang presyo ng asukal sa ilang pamilihan sa Quezon City.
Pero ayon sa Sugar Regulatory Administration (SRA) walang dahilan upang magtaas ang presyo ng asukal dahil sapat naman ang suplay nito sa bansa.
Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) dapat ay nasa 50-55 Pesos kada kilo lamang ang Suggested Retail Price (SRP) ng puting asukal. Habang nasa 40-45pesos ang brown sugar.
Pero sa Mega Qmart ibinebenta ng 60pesos kada kilo ang puting asukal, habang 48-pesos ang brown sugar.
Tumaas rin ang presyo ng asukal sa Tandang Sora Market, kung saan 58 pesos ang puti, habang 42 pesos ang brown sugar.
Ayon sa SRA, hindi dapat tumaas sa 50 pesos ang kada kilo ng puting asukal dahil nasa 29 pesos lamang ang millgate price nito.
Kapag pinatungan ng delivery cost, dapat ay papatak lamang anila sa 48 pesos ang per kilo ng asukal.
“There is absolutely no reason for prices of sugar to spike at this particular time ang mill gate prices or the farm gate prices of which our producers are selling their sugar right now has remained at the same level since maybe about two months ago” ani SRA Board Member Emilio Bernardino Yulo.
Sa ngayon ay ini-imbestigahan na ng SRA at Department of Agriculture (DA) kung may ginagawang manipulasyon ang mga trader at retailer sa presyo ng asukal kaya ito nagmahal.
Patuloy naman ang mahigpit na pagbabantay ng DTI sa umano’y pagsasamantala ng ilang negosyante.
Ayon kay DTI undersecretary for consumer protection group, Ruth Castelo pinadalhan na nila ng sulat ang mga tindahang nagbebenta ng asukal sa mas mataas na presyo.
“We issued letters of inquiry sa retail na nakikita namin na above 55 pesos na sugar tinatanong namin kung bakit syempre nagiinquire kami yung sources talaga ang gusto nating madiscover kasi probably there is truth talaga na mina-manipulate ng traders or retailers yung presyo”
pahayag ni DTI Usec. for Consumer Protection Group, Ruth Castelo .
Samantala sakaling mapatunayan na mayroong manipulasyon sa presyo ng asukal, posibleng maharap sa paglabag sa price act at economic sabotage ang mga personalidad na sangkot ayon sa DA.
(Joan Nano | Untv News)
Tags: asukal, Department of Agriculture, Department of Trade and Industry, SRA