Presyo ng asukal, posibleng bumaba na sa mga susunod na buwan – PCAFI

by Radyo La Verdad | August 16, 2022 (Tuesday) | 4781

METRO MANILA – May sapat pang supply ng asukal sa bansa base sa datos na nakuha ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Incorporated (PCAFI) mula sa Sugar Regulatory Administration.

Ayon sa presidente nito na si Danilo Faustino, may natitira pang 171K metric tons sa refined o puting asukal noong nakaraang buwan habang nasa 140-240K metric tons naman sa raw sugar.

Naniniwala si PCAFI President Danilo Faustino na nasamantala lang ng mga trader yung napabalitang paubos na supply ng asukal na tumaas ang presyo nito haggang sa umabot na sa mahigit 100 pesos ang kada kilo ng puting asukal.

Pero sa ngayon aniya na mag-uumpisa na ang produksyon ng asukal ay inaasahan na bababa na rin ang presyo nito kung saan noong Mayo na nasa P70 lamang ang kada kilo.

Ayon kay Faustino, posibleng namang mapataas ang lokal na produksyon ng asukal sa bansa kung pag-iibayuhin pa ang suporta ng pamahalaan mula sa binhi, patubig hanggang sa abono.

Dati naman aniyang exporter ang Pilipinas sa asukal gaya nong dekada 50 at 60 kung saan 20% ng export ng bansa ay asukal.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: