Presyo at suplay ng kuryente sa bansa, posibleng maapektuhan ng gulo sa pagitan ng Israel at Hamas – Meralco

by Radyo La Verdad | October 12, 2023 (Thursday) | 4506

METRO MANILA – Posibleng makaapekto sa suplay at presyo ng kuryente sa bansa ang nangyayaring kaguluhan sa Middle East sa pagitan ng Israel at Hamas militants.

Paliwanag ng head ng utility economics ng Manila Electric Company (MERALCO) na si Larry Fernandez, kung tataas ang presyo ng fuel gaya ng Liquefied Natural Gas (LNG) ay posible ring tumaas ang singil ng Malampaya na siyang supplier naman ng mga power plant ng Meralco

Nauna nang inanunsyo ng power distributor na magkakaroon ng dagdag-singil sa kuryente ngayong Oktubre na may P0.42 ang kada kilowatthour

Ibig sabihin ang pamilyang kumokonsumo ng 200 kilowatthour sa 1 buwan, aabot sa P84 ang dagdag-singil sa kanilang electric bill.

Ayon kay Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng power distributor, tumaas ang generation charge o halaga ng pagbili ng kuryente mula P6.82 kada kilowatt hour noong Setyembre, naging P7.12 kilowatthour ito ngayong buwan.

Nagkaroon din ng restriksyon sa supply ng Malampaya gas field dahilan para gumamit ng alternative fuel at magtigil-operasyon ang ilang planta na pinagkukunan ng suplay ng ahensya.

(Bernadette Tinoy | UNTV News)

Tags: ,