Presumptive VP Sara Duterte, walang irerekomenda sa gabinete ni BBM

by Radyo La Verdad | May 17, 2022 (Tuesday) | 6075

Aminado si presumptive Vice President Sara Duterte-Carpio na naiilang siyang pangunahan ang paghahanda para sa gagawing transition sa pagpasok ng bagong administrasyon dahil hindi pa sya ganap na naipoproklama bilang bagong bise presidente ng bansa.

Sa kanyang special hour live stream kahapon (May 16) sa kanyang facebook page, sinabi ni Mayor Inday Sara na wala siyang irerekomenda na sinomang personalidad para makasama sa bubuoing gabinete ni presumptive President Bongbong Marcos, Jr.

Sinabi nito na tiwala sya sa kung sino man ang itatalaga ni BBM, at kasama umano sa tiyak na ikokonsidera nito ay kung sino-sino ang may kakayahan na ipagpatuloy ang mga napasimulan na ng Duterte administration.

Samantala inilahad rin ni Mayor Sara na kasama sa kanyang mga plano ang pagpapatayo ng vice president satellite offices sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Layon nito na mas mailapit pa sa mga komunidad ang tanggapan ni bise presidente kung saan maaring idulog ng ating mga kababayan ang kanilang mga pangangailangan.

Ayon sa presumptive VP, may mga nais itong gawing proyekto sa ilalim ng office of the vice president, na bukod sa mga programa na kanyang gagawin sa Department of Education.

Samantala, sinagot rin nito ang mga tumutuligsa sa pagkakatalaga sa kanya bilang susunod na kalihim ng Department of Education na iniuugnay sa usapin ng mandatory ROTC.

Diretsung sinagot ni Duterte-Carpio na walang koneksyon sa basic education ang ROTC.

“Walay koneksyon po… with regard to ROTC and Department of Education. Remind lang ko sa tanan mga bright that the Department of Education is all about basic education plus ALS it has nothing to do with ROTC,” phayag ni Mayor Sara Duterte sa kanyang FB live show.

Ayon kay duterte-carpio, hihintayin na muna nito ang proklamasyon bago niya idetalye ang mga plano niya sa Education Department.

Pero una na niyang sinabi na sangayon siya na ibalik na ng tuluyan ang face-to-face classes para normal nang makapagaral ang mga estudyante.

Janice Ingente | UNTV News

Tags: ,