‘Pressure’ sa hukom na may hawak ng kaso ni Trillanes, pinabulaanan ng DOJ

by Jeck Deocampo | October 15, 2018 (Monday) | 6234

MANILA, Philippines – Tinawag na ‘unfair’ o hindi patas ni Department of Justice Secretary Menardo Guevarra ang akusasyon ng kampo ni Senator Antonio Trillanes IV na umano’y pag-pressure ng pamahalaan kay Makati Regional Trial Court branch 148 Judge Andres Soriano, ang may hawak ng kasong kudeta ng mambabatas.

Sa isang statement sinabi ni Guevarra na  walang katotohanan ang alegasyon na ito ni Magdalo Partylist representative Gary Alejano.  Bagkus aniya ay ang kampo nito ang maliwanag na nagnanais na impluwensyahan ang magiging desisyon ng hukom at guluhin ang maayos na sistema ng hustisya.

Ayon pa sa kalihim, hindi inuugali ng kanilang kagawaran na makipagsagutan sa mga ito sa labas ng korte o sa media, ngunit sumusobra anila ang mga ito sa kanilang akusasyon.

Noong sabado ay sinabi ni Rep. Alejano sa isang news forum sa Quezon City na kumpyansa ito na magbibigay ng tamang desisyon si Judge Soriano kaugnay ng kaso Sen. Trillanes. Ito ay sa kabila ng nakuha umano nilang impormasyon na matindi ang pag-pressure rito ng pamahalaan.  Tumanggi naman itong i-detalye kung anong uri ng pressure ang kaniyang tinutukoy.

Si Judge Soriano ay nakatakdang maglabas ng kanyang desisyon sa hiling ng Deparment of Justice na arrest warrant laban sa senador. Kaugnay ito ng kasong kudeta dahil sa Oakwood mutiny noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Naungkat ang kaso ni Trillanes matapos na ipawalang bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnestiya na ibinigay sa senador ni former President Benigno Aquino III dahil wala umano itong application form.

Una nang ipinaaresto ng Makati RTC branch 150 si Trillanes kaugnay ng kanyang kasong rebelyon ngunit agad din itong nakapagpiyansa.

 

Ulat ni Mai Bermudez | UNTV News

Tags: , , ,