PHOTO: COURTESY OF SAP BONG GO
Sa larawang ipinadala ni Special Assistant to the President Bong Go sa media, nakangiti at nakikipag-usap sa mga kapwa miyembro ng gabinete nito na sina Political Adviser Francis Tolentino si Presidential Spokesperson Harry Roque.
Katunayan ito na dumalo si Roque sa cabinet meeting ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang kahapon.
Ayon din kay Justice Secretary Menardo Guevarra, naroon sa pagpupulong at hindi nagsumite ng kaniyang resignation si Roque.
Hindi pa nakakapagdesisyon si Roque kung itutuloy ang planong pagtakbo bilang senador sa 2019 midterm elections o kung tatanggapin ang alok na panibagong pwesto ni Pangulong Duterte bilang press secretary.
Subalit kahapon, naghain ito ng leave of absence. Kinansela na rin nito ang nakatakdang press briefings sa Malacañang sa buong linggong ito.
Ayon naman kay SAP Go, naka-leave si Roque sa pagharap sa mga media briefing.
Una nang inihayag ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na hinihintay na lang nitong aprubahan ang executive order proposal na isinumite niya sa tanggapan ng punong ehekutibo hinggil sa pagbuhay sa Office of the Press Secretary.
Si Roque ang nais ni Pangulong Duterte na ilagay sa pwestong ito.
Posible na aniyang ma-dissolve o mawala ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) at pag-isahin na lang sa ilalim ng tanggapan ng press secretary.
Ayon kay Secretary Andanar, handa siyang magsakripisyo at bigyang-daan ang pamumuno ni Roque sa lalong ikasusulong ng communications arm ng tanggapan ng Pangulo.
Batay sa ulat, posibleng maitalaga si Andanar bilang polical adviser ng Duterte administration oras na maging operational na ang tanggapan ng press secretary.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )