Presidential Spokesperson Panelo, tinanggap ang hamong magcommute matapos igiit na walang Mass Transport Crisis sa Metro Manila

by Erika Endraca | October 10, 2019 (Thursday) | 2285

MANILA, Philippines – Tinanggap na rin ni Presidential Spokesperson and Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang hamon ng militanteng grupong Kilusang Mayo  Uno na mag-commute papasok sa trabaho matapos sabihin ang isang “silly challenge”.

Sasakay aniya siya ng jeepney at LRT mula Marikina patungong Malacañang sa Maynila sa Biyernes ng umaga. Kasunod ito ng sinabi ng opisyal kamakailan na walang Mass Transportation Crisis sa Metro Manila at nagbigay pa ng payo sa mga pasahero. Tinuligsa ang Presidential Spokesperson dahil sa kaniyang naging pahayag.

“Ano ba ang ibig nilang sabihin ng transportation crisis? Ang nakikita ko lang traffic hindi ‘yung transport na iyon mayroong transportation naman ah. Nakakasakay naman tayo lahat. Eh, may solusyon naman doon eh. If you want to go arrive early in your destination, then you go there earlier.” ani Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel Sec. Salvador Panelo.

Naninindigan si Panelo na walang Mass Transport Crisis bagkus ang krisis umano ay nasa pagdurusa ng mga commuter at motorista. Samantalang ang ibang krisis naman ay ang di epektibong operasyon, maintenance at management ng LRTs.

Subalit di naman aniya pababayaan ng pamahalaang manatili ang pagdurusa ng mga commuter.  Bagkus, ginagawa na aniya ng Administrasyong Duterte ang lahat nitong makakaya upang resolbahin ang kalbaryo ng mga pasahero at motorista.
(Rosalie Coz | UNTV News

Tags: