Maglalabas na ang Supreme Court en Banc ng resolusyon sa election protest ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. laban kay Vice President Leni Robredo.
Ang Korte Suprema ang tumatayong Presidential Electoral Tribunal at may jurisdiction sa mga election protest sa pagkapangulo at pangalawang pangulo.
Wala pang detalye kung ano ang nilalaman ng ilalabas na resolusyon ng tribunal.
Batay sa kanilang panuntunan, magkakaroon muna ng determination kung sufficient in form and substance ang protesta ni marcos at pagkatapos nito ay saka lamang aatasan si Robredo na sumagot sa protesta sa loob ng sampung araw.
Sa kaniyang protestang inihain noong june 29, hinihiling ni Marcos na mapawalang-bisa ang proklamasyon kay Robredo at ideklara na siya ang tunay na nanalong bise presidente sa nakaraang halalan.
Batay sa opisyal na resulta ng bilangan, mahigit 260-thousand na boto lamang ang lamang ni Robredo kay Marcos.
Kabilang sa mga kinukwestyon ni Marcos at nais mapawalang-bisa ang resulta ng halalan sa mga lalawigan ng Basilan, Maguindanao at Lanao Del Sur.
Hinihiling din ng dating senador na magkaroon ng manual recount sa dalawamput dalawang lalawigan at limang mga lungsod dahil sa umano’y mga anomalya sa pagsasagawa ng halalan.
Samantala, inatasan naman ng Korte Suprema ang COMELEC na sumagot sa petisyon laban sa pagpapalawig sa deadline ng pagsusumite ng Statement of Contributions and Expenditures o SOCE.
Sa kanilang petisyon, hiniling ng PDP-Laban na ibale-wala ang extension hanggang June 30 sa pagsusumite ng SOCE ng mga kandidato at partido.
Ayon sa PDP-LABAN, illegal ang ginawa ng COMELEC na palawigin ang deadline dahil itinatakda ng section 14 ng Republic Act 7166 na kailangang maisumite ang SOCE tatlumpung araw pagkatapos ng halalan.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)
Tags: dating Sen. Bongbong Marcos, Presidential Electoral Tribunal, resolusyon sa election protest