Iginiit ng Malacañang na lalapatan ng kaukulang aksyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sinomang mapatutunayang may pagkukulang kaugnay ng mga lumulutang ngayong kontrobersiya na kinasasangkutan ng ahensya ng pamahalaan.
Napaulat na bukod kay Tourism Secretary Wanda Teo, kabilang din si Presidential Communications Secretary Martin Andanar sa isinasagawang imbestigasyon ng Office of the President.
Hinggil ito sa kontrobersyal na 60-million peso tourism advertisement na inilagay sa programa ng kapatid ni Secretary Teo sa state-run People’s Television o PTV 4.
Dahil si Andanar ang palace communications chief, nasa ilalim ng kaniyang pangangasiwa ang PTV.
Gayunman, tumanggi na munang magbigay ng pahayag si Andanar habang pinag-aaralan pa aniya ng tanggapan ng pangulo ang naturang isyu.
Samantala, hindi na idinetalye pa ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque kung sino ang itinalaga ni Pangulong Duterte na mag imbestiga sa controversial TV ad.
Subalit pagtitiyak nito, lahat ng may kaugnayan dito ay kasama sa iimbestigahan at lalapatan ng kaukulang aksyon depende sa magiging kalalabasan ng imbestigasyon.
Samantala, wala naman aniyang direktiba si Pangulong Duterte na magbitiw na sa kanilang pwesto ang mga miyembro ng gabinete na isinasangkot sa kontrobersiya.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )