Presidential at vice presidential candidates, hindi nagpapatinag sa mga resulta ng poll surveys

by Radyo La Verdad | February 15, 2022 (Tuesday) | 8451
candidates 2022 elections

Patuloy na nakakalamang si Ferdinand “Bongbong” Marcos sa mga katungali sa presidential race batay sa resulta ng surveys.

Sa pinakabagong pagsusuring ginawa ng Pulse Asia noong January 19-24, lumalabas na 60 percent ng respondents ang pumapabor sa dating senador.

Sinundan ito ni Vice President Leni Robredo na may 16 percent.

Sen. Manny Pacquiao at Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, kapwa  nakakuha ng  8 percent habang 4 percent naman ang kay Sen. Panfilo Lacson.

Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos, nangangahulugan ito na positibo ang pagtanggap ng publiko sa kandidatura ni Marcos.

Aniya, ikinalulugod nila ang ginagawang suporta ng Pilipino sa kanilang mensahe na pagkakaisa para mapanumbalik ang kadakilaan ng Pilipino.

Para sa kampo ni Vice President Leni Robredo, masyado pang maaga para angkinin ng kahit sino ang tagumpay sa halalan.

At kung pagbabatayan aniya ang mga dumadalo sa kanyang campaign rallies at sorties, hindi din naman maikakailang marami ang naniniwala sa kakayahan ni VP Leni.

Hindi naman pinanghihinaan ng loob si Sen. Manny Pacquaio sa resulta ng survey.

Bagkus magpapatuloy siya sa kanyang hangaring mapagsilbihan at mas matulungan ang mga mamamayan Pilipino.

Tiwala rin siya na mapagtatagumpayan ang laban sa tulong at suporta ng mga naniniwala sa kanya.

Malaking bagay naman para kay Manila Mayor Isko Moreno ang ipinapakitang suporta sa kanya ng taumbayan.

Sa dami ng mga taong nag aabangan sa kanya sa bawat kampanya ay lumalakas ang loob ng alkalde upang magpatuloy sa laban.

“We will continue our journey. We will reach as many people as possible. Pupunta kami sa tao. Ang tao ang pinagkukuhanan ko ng lakas ng loob and I think your cameras cannot deny on what you are seeing,” ayon kay Manila Mayor Isko Moreno.

Pinayuhan rin ni Sen. Panfilo Lacson ang kanyang mga supporter na huwag masiraan ng loob. Binigyang diin ng senador na magpapatuloy sila sa paraang determinado, disente, seryoso at tapat at hindi  sila susuko para sa kapakanan ng ating bansa.

Sinabi naman ni labor leader Leody de Guzman na maaari pang mabago ang resulta ng survey dahil nagsisimula pa lang ang mga presidential forum at debate.

Nananatili rin aniya ang kaniyang kumpyansa sa sambayanang Pilipino at papanig sila sa kandidatong makapagpapahayag ng solusyon sa dinaranas nilang problema sa araw-araw.

Samantala namayapag rin sa vice presidential race ang running mate ni Marcos na si Davao City Mayor Sara Duterte Carpio. Sa kanyang pahayag, sinabi ng alkalde na nagpapakita ito ng pagnanais ng mga Pilipino na magkaroon ng isang pamumunong matatag, maagap, at higit sa lahat, tapat sa layunin ng pagkakaisa.

Sumunod naman kay Mayor Duterte si Senator Tito Sotto, Francis Kiko Pangilinan, Doc Willie Ong at Lito Atienza.

Aileen Cerrudo | UNTV News

Tags: ,