Presidential aspirant na umanoy gumagamit ng cocaine, iimbestigahan ng pnp at PDEA

by Radyo La Verdad | November 22, 2021 (Monday) | 9158

Lumikha ng maingay na usapin ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte  tungkol sa umano’y presidential aspirant na gumagamit ng cocaine.

Kaugnay nito, ipinag-utos na ni PNP Chief PGEN. Dionardo Carlos sa PNP drug enforcement group (PDEG) ang pag iimbestiga sa impormasyon na sinabi ng punong ehekutibo.

Sinabi pa ni Gen. Carlos na otomatikong iniimbestigahan ng PNP kapag may natatanggap silang mga impormasyon upang makakuha ng mga karagdagang detalye.

Si PDEA Director General Wilkins Villanueva naman, sinabing kukumpirmahin muna kung sino ang presidential aspirant at magsasagawa ng validation.

“I still have to confirm it so that  I will also know kung sino ba tong tao na to sinasabi nila na but ‘di agad conduct ng operation eh pag somebody is committing a crimes a conduct tayo ng trabaho but yung mga informations na sinasabi ng presidente, it needs to be validated at pag na validate kailangang gawan ng trabaho,”  ayon kay Dir. Gen. Wilkins Villanueva, PFEA.

Matatandaang sinabi ng Pangulo sa kanyang  talumpati sa Calapan City, Oriental mindoro noong nakaraang linggo na mayroon umanong tumatakbo sa pagkapangulo na gumagamit ng cocaine.

Ngunit hindi nito pinangalanan kung sino ito.

Lea Ylagan | UNTV News

Tags: , ,