Presidential Adviser for Political Affairs, pinayuhan si Pres. Duterte na iendorso si Ferdinand Marcos Jr.

by Radyo La Verdad | March 24, 2022 (Thursday) | 13163

METRO MANILA – Naniniwala si Presidential Adviser for Political Affairs Undersecretary Jacinto “Jing” Paras na mananatiling tapat si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay lalo na’t siya ang napiling samahan ng Presidential Daughter, Davao City Mayor at Vice Presidential Candidate na si Sara Duterte-Carpio.

Ayon kay Paras, batay sa kasaysayan, marami umanong trumped up charges o gawa-gawang kaso na kakaharapin ang isang presidente oras na pormal na itong bumaba sa pwesto.

Naniniwala ang opisyal, kung ang oposisyon ang mananalo sa 2022 national elections, isusulong nito ang sari-saring reklamo laban kay Pangulong Duterte lalo na’t may nakabinbing pang imbestigasyon ang International Criminal Court o (ICC) sa drug war ng Duterte administration.

Naniniwala ang opisyal na magiging tiyak ang tagumpay ni Marcos Jr. Kung i-eendorso ni Pangulong Duterte.

Lalo na’t nananatiling mataas pa rin ang satisfaction rating ng punong ehekutibo sa publiko samantalang nangunguna rin sa pre-election polls ang dating senador.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,