Presensya ng mga Abu Sayyaf sa Zamboanga City, pinabulaanan ng lokal na pamahalaan

by Radyo La Verdad | January 6, 2016 (Wednesday) | 1504

dante_false-alarm
Nitong mga nakalipas na araw, lumikas ang mga residente sa ilang barangay sa Zamboanga City matapos kumalat ang balitang may mga miyembro ng Abu Sayyaf na nakapasok umano sa syudad.

Partikular na nilisan ng mga ito ang lugar na malapit sa dagat tulad ng Barangay Santa Catalina at Barangay Mampang sa takot na muling sumiklab ang kaguluhan.

Nangangamba ang mga residente na maulit ang pananakop ng mga rebelde sa lungsod tulad sa naganap na Zamboanga Siege noong taong 2013.

Pinabulaanan naman ng Zamboanga City Government ang kumakalat na balita at tiniyak na wala itong katotohanan batay sa ulat mismo ng mga otoridad.

Nanawagan naman ang lokal na pamahalaan sa publiko na huwag basta maniniwala sa kumakalat na balita sa halip ay kumpirmahin muna sa kinauukulan kung tama ang impormasyon lalo na kung may kaugnayan sa seguridad.

Apektado naman ng mga lumalabas na terror threat ang turismo at negosyo sa Zamboanga City.

Kasama ang lungsod sa mga lugar na nasa alert level three o high terrorism warning bunsod ng banta mula sa asg at maging sa BIFF.

Samantala, nanawagan naman ang mga muslim leader na itigil na ang paggawa ng mga karahasan at sa halip ay sumama na lamang sa usaping pangkayapaan sa Mindanao.

(Dante Amento / UNTV Correspondent)

Tags: , ,