Sa kanyang keynote address ngayong araw,nanawagan si Chinese President Xi Jinping nang patuloy na kooperasyon ng APEC Economies.
Sinabi ng Chinese President na mahalaga ito sa patuloy na paglago ng ekonomiya ng Asia Pacific Region.
Naniniwala din si Xi na darating ang panahon at magkakaroon ng mas malapit na kooperasyon at relasyon ang bawat bansa sa asya pasipiko.
Kasabay nito, sinabi rin ng Chinese president na patuloy na magiging bukas ang China sa mga foreign investor.
Tiniyak din nito na hindi magbabago ang patakaran at polisiya ng China sa mga nais mamuhunan sa kanilang bansa.
Muli rin nitong isinulong ang pagsasakatuparan ng Free Trade of the Asia Pacific o FTAAP na muling inendorso ng China sa APEC Summit noong nakaraang taon.
Aniya, isang paraan ito upang magkaroon ng bukas na ekonomiya sa asya pasipiko na sa hinaharap ay makatutulong sa nakaambang problemang ng buong mundo tulad na lang ng paghina ng pandaigdigang kalakaran.
Noong mga nakaraang buwan ay naharap sa problema ang ekonomiya ng China kaya naman sa gitna ng mga businessmen na dumalo sa CEO Summit, sinabi ng Chinese President na patuloy na sinosulusyunan ng kanyang administrasyon ang kinakaharap nitong krisis.
Ang China ang pangalawa sa may pinakamalalaking ekonomiya sa buong mundo. At ayon sa ilang analyst, malaki ang epekto ng paghina ng ekonomiya ng China sa ekonomiya ng ibang bansa.(Darlene Basingan/UNTV Correspondent)
Tags: APEC Economies, Pres.Xi Jinping