METRO MANILA – Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa sambayanang Pilipino na huwag mawalan ng pag-asa.
Sa gitna ito ng patuloy at mabilis na pagtaas ng bilang ng kaso ng Covid-19 sa bansa.
Ayon sa punong ehekutibo, marami nang mas matinding suliraning pinagdaanan ang Pilipinas at kakayanin din nating malagpasan ang pagsubok na kinakaharap.
“Do not despair, kaya natin itong Covid na ito. Maliit na bagay ito sa buhay natin, marami tayong dinaanan mas grabe, ams mahirap, i know lahat kayo, lalo na mga kababayan ko sa squatter’s area, lahat kayo, wag kayong matakot at hindi ko kayo iiwanan.” ani Pres. Rodrigo Duterte.
Hiniling naman ng punong ehekutibo sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na makibahagi sa pagtugon laban sa Covid-19 pandemic.
Samantala, ipinag-utos din ng punong ehekutibo sa pamamagitan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pamamahagi ng face mask.
Ito ay lalo na’t mahalaga ang tamang pagsusuot ng face mask upang maiwasan ang pagkalat ng Covid-19.
“We have to provide mask for everybody, kung ang tao walang perang mabili ng mask, so who do you expect compliance from them so it’s good, I think the DILG and barangay captain, makatulong po kayo” ani Pres. Rodrigo Duterte.
Kahapon (March 15), nakapagtala ng 5,404 na karagdagang kaso ng Covid-19 sa bansa, pinakamataas na bilang ito sa loob ng 7 buwan.
(Rosalie Coz | UNTV News)