METRO MANILA – Ipinaaresto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga opisyal ng barangay ang mga kababayan nating hindi pa bakunado at magpupulit pa ring lumabas ng kanilang mga bahay.
Sa kanyang talk to the people kagabi (January 6), inatasan ng pangulo lahat ng barangay official na alamin sa kanilang mga nasasakupan kung sinu-sino pa ang mga hindi bakunado at pagbawalan muna ang mga ito na lumabas.
Babala ng presidente, ang sinomang hindi susunod ay aarestuhin at sinabing may kapangyarihan ang mga kapitan ng barangay na mang-aresto.
“In the absence of the law eh yung presidente is called upon to act and because it is a national emergency it is my position that we can restrain and that I have order the barangay captains because under the law ang barangay captains can enforce all the laws of the land within his community” ani Pres. Rodrigo Duterte.
Bukod pa rito, pinahintulutan rin ng pangulo na tumulong ang mga sibilyan sa barangay chairman upang mabantay ang galaw ng mga unvaccinated nating kababayan.
Hindi naman ikinababahala ng pangulo sakaling may maghain na naman ng panibagong kaso laban sa kanya sa International Criminal Court (ICC), kaugnay sa kanyang direktiba na pagbawalang lumabas ang mga hindi bakunado.
“Well they can file cases I’ll be happy to answer sabi ko na meron na naman akong kaso sa ICC e di ipatong na ninyo para isang sagutan nalang pagdating ng panahon. But as I hate to say these words being the president ultimately, I am responsible for the safety and well being of every Filipino and that is why my orders are to restrain them” ani Pres. Rodrigo Duterte.
Gayunman nilinaw ni Presidente Duterte na hindi naman agaran ang gagawing pag-aresto at sa halip ay dadaanin pa rin ito sa maayos na pakiusapan.
Igniit nito na gagawin lamang ang hakbang na ito para na rin sa ikabubuti ng nakararami lalo na ngayon at muli na namang dumarami ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
(Joan Nano | UNTV News)